Tumataas ang "sales" ng mga independent films na naparangalan sa ibang bansa kapag ito'y ipinalabas muli sa Pilipinas.
Ang mga independent films o madalas na tawaging "indie films" ay patuloy na umuusbong sa ating bansa. Hindi lamang ito ipinapalabas sa ating bansa ngunit maging sa iba't ibang karatig bansa ay mapapanuod ang mga ito.
Ang independent films ay tinatawag ring "Malayang Pelikula."
Upang ituring na nagsasarili, mas mababa sa kalahati ng mga pondo ng isang pelikula ay dapat nanggagaling mula sa isang malaking studio. Ayon sa wikipedia, ang paraan ng isang direktor sa paggawa ay base sa personal na paningin sa buhay kaya ito kadalasang naiiba sa kanilang nilalaman at estilo. Ngunit, iba't-iba ring problema ang kasalukuyang hinaharap ng mga Independent Films lalong-lalo na sa pag-eendorsyo ng mga ito. Sa kabilang banda naman, ayon kay Brillante Mendoza, isang direktor ng Independent Films sa isang forum na ginanap sa Unibersidad ng Sto. Tomas, ang mga Indie Films ay sunod-sunod na napaparangalan sa ibang bansa oras na ang mga ito'y naipalabas roon.
Bakit nga ba hirap ang mga Independent Film Makers sa pag-eendorsyo ng kanilang pelikula?Sadya nga bang tumataas ang benta ng mga independent films nang maparangalan ito sa ibang bansa pagbalik sa Pilipinas? Ano nga ba ang mga prosesong isinasagawa upang ang mga ito ay maipalabas sa labas ng bansa? At ano nga bang meron sa mga Independent Films kung bakit hindi ito agad kinakagat ng mga Pilipino at kinakailangan pang maparangalan ito sa ibang bansa upang mabenta?
A. PAGLALAHAD NG SULIRANIN
Nais ng mga mananaliksik na mapatunayan na ang benta ng isang independent film na naparangalan sa ibang bansa ay tumataas pagbalik nito sa bansang Pilipinas. Nais din nila malaman kung ano ang mga salik sa pag-unlad ng industriya ng mga Malayang Pelikula.
B. LAYUNIN
Ang pangunahing layunin ng pananaliksik ay upang makatulong sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa kasalukuyang kalagayan ng mga Independent Films sa bansa. Layunin rin ng pananaliksik na makatulong upang maiangat ang estado at makilalang husto ang mga Malayang Pelikula sa bansang Pilipinas.
C. KAHALAGAHAN
Mahalaga ang mga pananaliksik na ito sapagkat ang kasalukuyang lagay ng industriya ng mga Malayang Pelikula sa bansa ay bumababa at ito ay makakatulong upang lumago ang nasabing industriya.
D. METODOLOHIYA
Ang mga mananaliksik ay naghahanap ng mga impormasyon gamit ang iba't ibang aklat ukol sa independent films. Gagamit rin ang mga mananaliksik ng makabagong teknolohiya gaya ng Internet. Ang mga mananaliksik ay makikipanayam sa mga direktor ng Malayang Pelikula at sa mga estudyanteng kasalukuyang gumagawa at nag-aaral tungkol sa Malayang Pelikula.
E. KASAYSAYAN
Mayaman ang kasaysayan ng independent films sa Pilipinas. Ayon sa iba't ibang websites tulad ng pananaliksik.wordpress.com, sinasabi na noong 1920 pa lamang ay mayroon nang mga gumagawa ng independent films na ayaw magsailalim sa mga malalaking istudyo. Ngunit nahinto ang pag-usbong nila sa pagdating ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos ang digmaan noong 1950, nagsimula ulit ang pagtatag ng komunidad ng independent filmmakers sa bansa at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na umuusbong.Naitatag ang mga paaralan at organisasyon na sumusuporta sa mga short-film at documentary-filmmmakers. Nagkaroon din ng mga pandaigdigan at pambansang film festivals upang maranasang mas nakararaming tao ang iba’t ibang uri at estilo ng mga pelikula. Dalawa sa unang premyadong mga independent filmmakers sina Lamberto at Jose Avellana, sa mga huling taon ng 1950 at mga unang taon ng 1960.
Nananatiling pinaka-sikat at pinakamagaling sa mga unang kilalang independent filmmakers na si Kidlat Tahimik. Nanalo ang kaniyang pelikulang “Mababangong Bangungot” (Prefumed Nightmares) ng Prix de la Critique Internationale, isa sa pinakatanyag na paligsahan ng independent films sa mundo. Hanggang sa kasalukuyan, aktibo pa rin si Kidlat Tahimik sa paggawa ng mga pelikula.
Simula ng dekada otsenta hanggang sa kasalukuyan, ang independent cinema ang nananatiling bukal ng mga orihinal, mapanlikha, at premyadong mga pelikula. Higit na naging sosyo-pulitikal ang karaniwang tema ng mga independent films, at naging higit na eksperimental ang mga paraan ng pagkuha ng mga pelikula. Ang “Anino,” isang maikling pelikula ni Raymond Red, ng Palme d’Or (Best Short Film) sa tanyag na Cannes Film Festival. Iyon din ang kauna-unahang panahong may nakasaling pelikulang Pilipino sa paligsahan sa Cannes, komersyal man o hindi.
F. TEMA
Batay sa mga impormasyong nakalap ng mga mananaliksik sa www.manunuri.com/filmography/, ang mga independent films ay ang mga pelikulang ginawa ng mga malilikhaing indibidwal may karanasan man o wala sa paggawa ng pelikula sa halip ng mga malalaking production companies. Sa pag-usbong ng indie films, nagkaroon ng espasyo sa sinehan ang mga pelikulang Pilipino. Ang mga independent films ay gawa sa hindi limitadong imahinasyon ng mga manunulat. Minulat ng mga independent films ang kamalayan ng mga Pilipino.
G. CINEMALAYA
Ayon kay Mr. Edward Cabagnot sa http://www.cinemalaya.org/, ang CineMalaya ay isang paligsahang pampelikula ng mga independent films na naglalayong maipakita ng mga bagong direktor ang kanilang pagkamalikhain sa paggawa ng pelikula. Naipakilala rin nang husto ang mga independent films sa mga manonood dahil sa CineMalaya. Ang CineMalaya ay unang nakilala noong taong 20055. 8000 na katao ang nanonood. Sa taong 2006 naman ay halos 23000 ang nanood at umabot sa 26900 na tao sa pinakahuling pagtatampok nito. Bawat taon, nadaragdagan ang interes ng publiko.
H. PARAAN NG PAGPAPALABAS
Limitado ang suplay, kapos ang pondo at hindi kilala ang bumubuo ng produksyon, ang mga katangian ng isang independent film. Ngunit kahit ganoon, sa pag-usbong ng indie films sa bansa, nagkaroon ng alternatibong paraan ng pagpapalabas ng pelikula.
Karaniwan, ang unang nakanonood ng mga malayang pelikula ay galling rin mismo sa mga gumagawa ng pelikula at sa kanila magmumula ang kritisismo at promosyon.
Ngunit ayon sa isang director, “sa realidad, ang indi films ay hindi magkaroon ng komersyal na halaga dahil wala kaming mga sikat na artista, wala kaming ‘formula story’ at wala kaming pera para ipromote ang pelikula”, kaya naman upang maipakilala sa madla ang kanilang mga gawa, sila ay nagpupunta sa mga paaralan kung saan kanilang pinapakita ang kanilang ginagawa para mapalawak ang kaniang kamalayan sa indie films.
Sa kadahilanang walang sapat na pondo ang mga gumagawa ng independent films para sa promosyon, dinadaan na lang nila ito sa pagpapalabas at pagpaparenta sa mga teatro, telebisyon at video rentals.
Ang mga online social networking communities tulad ng friendster at multiply ay tiyak na isang mabisang alternatibo upang maisulong ang naturang pelikula. Mayroon ding iba pang mga site na kung saan kasama ang mga blog at mga review ng mga malayang pelikula. Isa pang website, ang Youtube, ay naglalaman ng mga trailer tungkol sa iba't-ibang mga Philippine independent films. Subalit kahit na may mga umiiral na mga websites tulad ng mga ito, access sa pelikula pa rin ang isa sa mga batayan sa likod ng pagkabigo na maabot ang madla. Karaniwan, ang tanging pagkakataon ng pagkuha ng atensyon sa publiko ay sa pamamagitan ng festivals, na maaaring maganap dito o sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, may mga prestihiyosong festivals sa bansa - Cinemanila, CinemaOne, at Cinemalaya, na tumutulong at nagbibigay ng pondo sa mga potensyal na filmmakers.
Sa mga sinehan naman, bilang pagtulong sa industriya ng independent films, apat na Robinsons Galleria ang nagbigay ng oportunidad sa mga independent films na maipalabas sa masa. Kaya naman, inilaan nila ang isa sa kanilang mga sinehan para lamang sa pagpapalabas ng mga pelikulang ito taun-taon. Tinatawag itong indiesine na dating kilala bilang cinema 8.
Sa mga dayuhang lugar, mahilig sila sa mga eksperimental o kakaiba. Halimbawa, ang independent digital films ni Maximo Oliveros at Magnifico ay pinopondohan at suportado ng Star Cinema sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang mga trailer ng pelikula, dahil sa ang mga pangunahing problema sa ganoong films ay pagsulong at marketing, na kung saan ang susi ng bentahe ng pangunahing studios ay wala pa.
I. MGA INDEPENDENT FILMS AT MGA PARANGAL NA NATANGGAP
NARITO ANG ILAN SA MGA MALAYANG PELIKULANG PILIPINO MULA 2006-20009 NA NAGWAGI SA IBA'T IBANG INTERNATIONAL FILM FESTIVAL AYON SA WIKIPEDIA ANSWER:
1.)KUBRADOR (2006) ni Jeffrey Jeturian. Internasyunal na pamagat: The Bet Collector.
Ito ay kwento ng isang kubrador sa jueteng. Tinatalakay nito ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga karaniwang mamamayan.
Naipalabas ito sa premiere sa Moscow International Film fEstival. Naglakvay ang "Kubrador" sa mahigit 40 film festival sa buong mundo at nagwagi ng mraming parangal. Dalawa na dito ang FIPRESCI awards ( New Delhi at MOscow ), pati tatlong best actress awards(New delhi , Brussels at Amiens) para sa beteranang aktres na si Gina Pareno bilang kubrador.
2.) Donsol (2006) ni Adolf Alix Jr.
Pinagbidahan ito ni Sid Lucero (Daniel) at Angel Aquino (Teresa). Tungkol ito sa istorya ng dalawang tao na nagkita at nahulog ang loob sa isa't isa sa Donsol, Sorsogon.
Sa pelikulang ito nanalo ng Independent Spirit Award si Adolf Alix Jr. noong 2006 sa Lauderdale International Film Festival. At nabingwit rin ang Special Jury Prize sa Asian Marine Festival.
3.) Kaleldo (2006) ni Brillante "Dante" Mendoza.
Ito ay isang Kapampangan film. Tungkol ito sa isang ama at tatlong anak na babae na nakatira sa Guagua, Pampanga. Nagumpisa ang pelikula sa kasal nina Juliana Palermo at Lauren Novero. Gumanap rin Bilang mga kapatid ni Juliana sina Angel Aquino at Cherry Pie Picache, bilang tomboy.
Ang pelikula ay nanalo sa kauna-unahang Rome International Film Ferstival noong October 2006. Naging parte rin ito sa ika-43 Vienna International Film Festival at ika-30 Cario IFF (Festivals of Festival) mula Nobyembre hanggang Disyembre 2006.
4.) Manorio (2006) ni Brillante Mendoza
Ang pelikula ay umikot tungkol sa isang babaeng Ita na nasa ika-anim na baitang. Nagtuturo siya sa mga matatandang miyembro ng kanilang tribo para makaboto sa Eleksiyon 2004. Base ito sa totoomg kwento ni Jonalyn Ablong. Siya rin mismo ang gumanap sa kanyang sarili sa pelikula.
Nakamit nito ang Best Picture ng Cinemanila 2006. Ginawaran rin ang "Manorio" ng Cinemavvenire Special Award (Youth Jury Prize) sa ika-24 Torine International Film Festival sa Italy.
5.) Foster Child (2007) ni Brillante Mendoza.
Ito ay base sa totoong istorya ng mga nagaalgang magulang sa mga batang hindi naman nila kaanu- ano. Tinatawag nila ang knilang organisayon na " Kaisang Buhay Foundation". Pinagbidahan ito ni Cherry Pie Picache, bilang Thelma.
Binigyan ito ng pagpupugay na tumagal ng sampung minuto noong ipinalabas sa prestihiyosong Film Festival sa France. Nagkamit rin ito ng ng Special Jury Award kasama ang isang pelikula sa nakaraang ika-4 na Eurasia International Film Festival sa Kazakhstan.
6.) Pisay (2007) ni Aureaus Solito
Nakuha bilang parte ng Contemporary World Cinema Programme ng ika-32 Toronto International Film Festival.
7.) Tribu (2007) ni Jim Librian
Tungkol sa 52 na gangster sa Tondo. Ito lamang ang tanging Malayang Pelikulang Pilipino na napiling sumali sa New Currents Section ng 2007 Pusan International Film Festival sa South Korea.
8.) Ang Baseco: Bakal Boy S (2009) ni Ralston Jover
Pinangunahan ng beteranang aktres na si Gina Pareno ang pelikulang ito. Si Gina ay isang Tausug na hinahanap ang kanyang apo. Pinakita rito ang katotohanan na maraming kabataan ang napipilitang mamuhay at magtrabaho ng parang matanda. Lubhang malungkot ang Baseco ngunit may katotohanan ayon sa ilang kritiko.
Nagkamit ito ng Special Merit sa Vancouver International Film Festival.
9.) Astig ni GB Sampedro
Ito ay tungkol sa 4 na binatang Pilipino na itinulad sa iba't-ibang imahe ng Maynila. Kinilala ito para sa pagpapakita ng hirap na nararanasan ng kabataang Pilipino sa dahilan ng pagkakaiba ng antas ng pamumuhay.
Unang nabigyan ng parangal ang pelikula sa ika-5 CineMalaya Independent Film Festival. Sa kabilang dako, nabigyan din ito ng Special Mention sa ika-14 Pusan International Film Festival sa South Korea, sa kategoryang New Currents.
II. PANANALIKSIK
MGA PROBLEMANG KASALUKUYANG HINAHARAP NG MGA INDEPENDENT FILMS
Maraming problema ang pinagdaraanan ng mga "Indie Films" sa kasalukuyan. Ayon kay Khavn Dela Cruz, isang Independent Filmmaker, may anim (6) na pangunahing problema ang kasalukuyang hinaharap ng ganitong pelikula. Una ay kakulangan sa pondo. Pangalawa, ang mga sinehan ay sadyang naghahabol upang makapagpalabas ng tinatawag na "Certified Blockbusters." Pangatlo, ang mga projector na ginagamit sa mga sinehan ay kadalasang hindi umaangkop sa "digital technology" na gamit ng mga Indie Filmmakers. Pang-apat ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagpapadala ng isang pelikula sa mga sinehan. Panglima ay kakulangan sa suporta ng mga manunuod. Pang-anim ay "censorship" na dumaan sa MTRCB.Ito ang dahilan kung bakit hindi nagiging mabenta ang isang Independent Film sa bansang Pilipinas.
PAKIKIPANAYAM SA DIREKTOR
Ang mga mananaliksik ay nagtungo sa isang institusyon ng Film Making, Mowelfund Film Institution. Dito ay nakapanayam ng mga mananaliksik si Direktor Edgardo "Boy" J. Vinario. Isang direktor ng mainstream productions at independent films. Ayon kay Dir. Vinario , kahit na sino ay maaaring gumawa nito. Kung may sapat na pondo ay kukuha ng mga sikat na aktor/aktres at kung wala naman ay kahit na sinong nais ng direktor ay maaaring gumanap sa pelikula. Ang kailangan lamang ay isang makatuturang kwento.
Dagdag pa ni Dir. Vinario, madalas ay umaabot ng P2-2.5M ang pagsasagawa ng ganitong mga palabas. Minsan naman ay pinagkakasya ang kakaunting pondo na nagmumula sa P100,000 pataas. Ang mga direktor naman ay kadalasang kumukuha ng tinatawag na sponsor para sa pondo ng ginagawang pelikula. Ayon naman kay Regine Nario, isang baguhan sa industriya ng pelikula na kasalukuyang kumukuha ng Broadcast Communication sa Polytechnic University of the Philippines, ang pinakamurang pagsasagawa ng pelikulang indie ay umaabot ng 30,000-100,000 at mas nagiging mahal lamang pagdating sa promotions at productions.
Ang mga independent films ay madalas isinasali sa mga paligsahan na isinasagawa ng CineMalaya at CinemaOne kung saan ay makakuha ng premyo na umaabot sa 1M. Ang mga nanalong pelikula ay ipinapadala sa ibang bansa at doon napaparangalan. Ngunit, may mga pelikula rin na hindi na pinapalabas dito at dinederetso na agad sa labas ng Pilipinas. Isang halimbawa nito ay ang "Lola" at "Kinatay" ni Brillante Mendoza. Ang mga ito ay nanalo sa Cannes Festival. Si Brillante Mendoza ay nabigyan ng $25000 bilang premyo at P1M naman mula kay Pang. Gloria Macapagal Arroyo. Ang dalawang pelikula ay hindi na nagdaan sa censorship ng MTRCB kaya hindi na ito naipalabas sa bansa. Isinali na ito agad ni Mendoza sa Cannes at doon naparangalan. Pagkabalik sa bansa ay ipinalabas sa ilang sinehan ang dalawang pelikula ngunit naparangalan man ay HINDI ITO KUMITA AT IPINATANGGAL AGAD SA SINEHAN pagkaraan lamang ng ilang linggo. Ano nga ba ang dahilan dito? Ayon kay Mr. Vinario, ang mga Pilipino ay mas naaaliw sa mga palabas na gawa mula sa mainstream productions kung saan mga bigating artista ang matutunghayan. Isa pang dagdag ni Regine Nario ay ang tema na kung saan ay madalas tungkol sa realidad ng buhay na kung saan kaunting porsyento lamang ang nagnanais mapanood ang mga ito: ang mga taong sadyang may pagaalala ukol sa ganitong mga usapin at ang mga taong may pagaalala sa gumawa ng pelikula. Dagdag pa niya, hindi rin patok sa mga Pilipino ang mga eksenang puno ng karahasan at kung saan sa marurumi at mababahong lugar ginawa ang tagpuan. Kabaliktaran naman sa tugon ng mga dayuhan sa mga ganitong usapin na kung saan ang tema ay may kaugnayan sa hirap at katotohanan ng buhay.
Ang mga Independent Films ay hindi kumikita, kung kumita man ay napakaliit at halos umaabot lamang sa puhunan ayon kay Dir. Vinario bukod sa isa na pinamagatang "Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros" na pinalabas sa mahigit na 70 sinehan sa loob ng bansa.
III. KONKLUSYON
Ayon nga kay Direk Vinario, hindi tumataas ang ticket sales ng mga Independent Films na naparangalan sa ibang bansa pagbalik dito sa Pilipinas dahil na sa nakamulatang ugali ng mga Pilipino.
Hindi napatunayan ng mga mananaliksik ang kanilang panukalang pahayag na "Tumataas ang 'sales' ng mga independent films na naparangalan sa ibang bansa kapag ito'y ipinalabas muli sa Pilipinas."
A. REKOMENDASYON
Ang mga mananaliksik ay nais irekomenda ang mga mambabasa na bigyang pansin ang industriya ng Independent Films sapagkat ang mga ito'y kulturang sarili ng bansang Pilipinas.



